Behind the Stories

Joe Torres, Journalist

Thursday, June 30, 2005

Tag-ulan na naman, malamig

Tag-ulan na naman dito sa Pilipinas. Pasukan na naman ng mga mag-aaral. Simula na naman ng pagkakamot sa ulo ng mga magulang na ang tanging pangarap ay huwag matulad sa kanila ang mga anak kaya kailangan nilang kumayod para pangmatrikula.

Mag-aral ka, iyan lang ang tangi mong puhunan. Mahirap lang tayo. Ito ang ‘di ko makalimutang pangaral ng aking ama noong ako’y hindi pa marunong mag-brief at tanging kaligayahan lang ang makapanood ng tig-P1.50 na palabas sa nag-iisang sinehan na pugad ng surot sa aming bayan.

Bakit nga ba pinili ng mga matatalino noon sa ating bayan na gawing Hunyo ang pasukan, kung kailan halos araw-araw lumuluha ang langit at nagbo-bowling ang mga anghel sa ibabaw ng ulap. Hanggang ngayon, kung kelan isa-isa nang pumuti ang aking buhok, ‘di ko pa rin maarok ang dahilan kung bakit Hunyo ang simula ng pasukan.

Bakit nga ba parang kaligayahan yata ng mga nakakatanda ang pahirapan ang mga nakakabata. Bakit nga ba kailangan pumasok ng ala-siete ng umaga kung pwede namang alas-nuwebe ang oras ng pasukan.

Tandang-tanda ko pa noong ako’y bata pa. (Oo minsan din ako naging bata at nangarap tumanda.) Hindi pa man sumisilip ang haring araw sa may silangan, nagtatalak na ang aking ina. Kesyo kailangan nang pumunta sa palayan at mamulot ng ligaw na kangkong para ipakain sa baboy, kesyo kailangan mag-igib ng tubig para may pansaing, kesyo kailangang magwalis dahil makapal na ang dahong nagkalat sa silong.

Mabuti na lang ‘di ko alam na child labor pala ang ginawa ko noon, kundi lagot ang mga magulang kong mahal at siguradong demanda ang kanilang aabutin. Aba, mantakin n’yo ba namang ang sarap ng tulog ko mambubulahaw ang nanay dahil kailangan ko magtrabaho kesyo mahirap lang kami at kailangang magsumikap.

E, bakit nga ba ‘di kami mayaman? Lintek na buhay naman. Bakit nga ba kung sino ang naghihirap at nagpapapawis para kumita siya ang walang makaing masarap at walang sasakyang magara.

Siyanga pala, pasukan sa eskwela ang pinag-uusapan. Pagkatapos kong magpaalila, layas na ako papuntang eskwela. Bitbit ang libro’t papel na nakasiksik sa bag na butas-butas, ‘yong gamit ng mga probinsyano sa pamamalengke, o kaya plastic na supot na tanging yaman naming mga estudyanteng probinsyano.

Masaya na ako noon kapag makapagnakaw ng bayabas sa puno ng kapitbahay o kaya’y hinog na kalamansi. Kaya siguro kahit wala kaming makaing mga probinsyano ‘di kami madaling magkalagnat o sipunin kahit dahon ng saging o gabi lang ang payong kapag umuulan. Sa dami ba naman ng nananakaw naming bayabas at kalamansi siguradong overdose na kami ng Vitamin C.

Liban sa pasukan, tag-ulan din ang panahon ng pagpapakasal ng marami sa ating mga kababayan. Siguro dahil masarap makipagyakapan sa gabi habang pumapatak ang ulan sa bubong na nipa o cogon o di kaya’y sa yerong kalawangin.

Pero bakit pati mayayaman sa tag-ulan nagpapakasal? ‘Di naman siguro nila nararamdaman ang ulan sa loob ng air-conditioned nilang mga tahanan. Pauso rin lang siguro, ano po. E ba’t di na lang sa Disyembre magpakasal, medyo mahaba-haba ang taglamig at romantic pa dahil maraming makukulay na parol at memorable ang tugtog kahit sa mumurahing mga radyo na AM lang ang istasyong nakukuha.

Hirap intindihin ng buhay, no? Hirap isipin kung bakit pa lalalayas sa Pilipinas at sa ibang bayan pa maghahanap ng pagkakaperahan na kung tutuusin napakayaman naman ng ating bayan.

Marami kasing kurakot sa atin. Maraming buwaya. Nabubuhay kasi sa tubig ang mga hayop na ito. Lagi kasing umuulan sa Pilipinas kaya maraming tubig, kaya maraming buwaya. Oo nga, mayaman ang Pilipinas kaya maraming mapagsamantala at ang mga maliliit ang laging nasasagasaan. Saan ka ba naman makakakita ng malaking nasasagasaan ng maliit.

Ba’t ba panay reklamo na lang tayo? Masaya naman sa Pinas a, maraming nakakatuwa at nakakatawa lalo na sa panahon natin ngayon. Tingnan n’yo naman, nakakatawang makalipas ang ilang daang taon, ngayon lang naiisip na imbestigahan ang jueteng. E baka nga pati si Rizal at Bonifacio tumaya ng jueteng noong panahon nila.

Pinag-uusapan din ang korupsyon, aba’y reklamo na yata nila Lapu-Lapu ‘yan noong kanilang panahon. Bakit nga ba di nababago ang Pilipinas?

Marami daw kasing reklamo. E yong mga matatalinong may pamasahe papunta sa labas nagsipaglayasan. Ang mga mahihirap na nakapag-aral lumayas na rin dahil ‘di nabubuhay sa bayang walang pagkakataon ang ‘di kakilala ng may-ari ng negosyo o kamag-anak ng mayor, kongresista , gobernador, Ponsio Pilato, demonyo, ewan ko!

Noong bata pa ako, naririnig ko ang mga kapitbahay naming katsismisan ng nanay ko na nagsabing pinaglihi yata ako sa puwet ng manok. Ang daldal ko daw kasi, ang daming sinasabi. Natatakot nga ako minsan na baka hindi totoo ang kwento nila. Natatakot ako na baka may tama lang talaga ako sa ulo kaya marami akong naiisip. Bakit nga ba ang dami kong tanong. Ang dami kong reklamo. ‘Yong iba naman nabubuhay ng maayos na hindi nagrereklamo at ‘di nagsusulat ng kung anong kwento.

Tag-ulan na naman kasi, malamig. Marami kang maiisip ‘pag malamig ang panahon, tulad ng ginataang saging, kamoteng nilaga, tsokolate ni lola, tuba ni lolo, hita ng kapitbahay, problema sa eskwela, pang-matrikula, pangkain, pera, pera, pera, problema sa lipunan, hustisya, kapayapaan, panggugulo ng mga natatalo sa halalan, ewan ko ba ang daming problema.

Ang saya siguro kung ‘di natin naiisip ang problema, o ‘di kaya wala tayong pinoproblema, kung kasama natin lagi ang mga mahal sa buhay, tawanan, videoke, karaoke, at ok lagi ang buhay dahil may makakain ang lahat, libre ang pag-aaral, malinis ang paligid at walang namamatay sa malaria., walang natitigok sa dengue at walang balitang masama. Wala na rin sigurong diaryo. Wow, grabe, mabuti pa si Wowowee nag-asawa ng maganda dahil lagi siyang nagpapatawa. Minsan swerte talaga ng ibang tao, patawa ka lang kikita ka, ‘yong iba nating mga kababayan kailangan magpunas ng puwet ng dayuhan para lang kumita at mapag-aral ang mga anak o mapakain ang mga magulang.

Malungkot na eksena sa aking isipan minsan ang mga kababayan na napipilitang maglaba, magsaing, paliguan at bihisan ang mga anak ng dayuhan para makabili ng pagkain at damit na malabhan ang mga naiwan na mga mahal sa buhay sa sarili nating bayan. Lungkot ‘no? labo talaga ng mundo. Minsan pwede na ring magdasal na lang, baka hulugan tayo ng swerte ng langit. Pero Diyos na rin ang may sabi na ang sinumang hindi magpapawis sa noo ay walang karapatang kumain. E ba’t yong iba, ni hindi pinagpawisan, nakakakain ng masarap?

Siguro kailangan nga nating kumilos, magtrabaho para kumita, para makapag-ipon, para mapag-aral ang mga bata at para mabago naman ang mukha ng ating lipunan, na tayong masisipag, tayong nagtatrabaho ang kumain ng masarap at lumigaya at ‘di lumuha dahil malayo sa kasintahan, sa asawa, anak at mga magulang na gawain na yata talaga ang magtatalak.

Wow, haba na ng litanya ko ng reklamo, baka wala na kayong magawa, sige trabaho na tayo, sa susunod naman.

1 Comments:

  • At 6:31 AM , Anonymous Anonymous said...

    i love it but it's true. more comment coming from you..my mum come from a poor family and i feel it and share to all who read this article..love ..mayhen australia

     

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home