Saturday, September 04, 2004

Kay Arnel Manalo

Apoy mula sa dulo ng baril
tinggang tumagos sa bungo
namumutlang kapatid
ang imahe sa isipan
nang biglang gumapang
ang lamig mula talampakan
at humalik sa lupa
ang patay mong katawan

Gusto ko mang alamin
ang laman ng iyong isipan
pero sumabog ang iyong utak
at wala ako sa iyong tabi
nang mangarap kang
kumita ng pera, sumikat,
at siguro makapaglingkod,
kahit konti, sa bayan

Gusto kong itanong sana
kung mahapdi ang tama
ng bala sa katawan
papaano ang mamatay
nang 'di inaasahan
at kung naluha ka
nang dagling nagbalik
sa isipan ang nakaraan

Maaga akong gumising
nang ikaw ay mamatay
kailangan kong isulat
ang iyong pagkapaslang
kailangan kong kumita
magandang negosyo kasi
'pag may namatay
na dyaristang tulad natin

4 Setyembre 2004

No comments:

Post a Comment